Medyo brutal ang pagkamatay ni Voltaire noon, pero hindi lang si Voltaire ang nag-iisang OFW na namatay sa Saudi Arabia.
Kamakailan ay isang bangkay ng Pilipina ang sinasabing itinapon sa may Al Ramaniyah. Di ko ito nakita pero ayon sa mga balitang umiikot dito sa Al Khobar, tatlong kababaihang Pinay ang iniulat na nawawala at isa na rito ang bangkay na natagpuan.
Maraming haka-haka, may nagsabing isang babaing bayaran ang kababayan natin na iyon. Di na bago ang bukas-kotse o akyat-bahay na mga Pilipina, at maging kalalakihan din na pumapatol sa kapwa lalaki, upang kumita ng mas malaking pera.
Sa isang restaurant, habang pinag-uusapan ang kuwento na ito, isang Pilipina ang nagsabi na “mabuti pa nga at nabawasan ang mga pokpok, dahil pati kaming hindi gumagawa ng katarantaduhan ay nadadamay at napagkakamalang pokpok.”
May punto si ate.
Subukan mong tumayo sa isang kanto wala pang isang minuto ay may kotse na ng arabo na hihinto sa iyo at papakitaan ka ng pera.
Yan ang tingin ng mga arabo sa mga Pilipino, mapa-lalaki man o mapa-babae.
Pokpok, sbaik sa pera, sasama kahit kanino kapalit ang anumang halaga.
Sinanay na sila ng mga ilang kababayan natin na nagpapabayad upang kumita ng pera.
Kaya ang tingin nila sa atin kung hindi taga-bitbit ng anak nila, makukuha na lang sa pera.
Masakit isipin at palaging sanhi ng mainitang pagtatalo ang usapin na ito.
Iba na ang OFW ngayon, sila na ang pumapatay sa mga pangarap nila.
Kamakailan din ay isang Pilipino ang pinadampot at pinakulong ng kaniyang pinapasukang kumpanya dahil nabatid na na nagdispalko siyang ng milyong riyal.
Ayon sa ilang Pilipino, kilala ang kababayan natin na ito sa grupo ng “kabadingan” bilang isang mayabang at maluho na tao at sa pamamagitan ng kanyang mga malalaking halaga ng remittances ay natunton ang kanyang ginagawa.
Panibago na namang kasiraan ito sa mga Pilipino.
Paano na lamang ang karamihan pa rin sa mga OFW na nagtatrabaho ng marangal, pumapasok ng tama sa oras, hindi pumipitik sa kaha ng mga restaurant na kanilang pinapasukan, hindi nakikiapid sa may asawa, hindi sumasakay sa kotse ng iba para magbigay ng panandaliang aliw? Paano na ang karamihan sa mga OFW na naghahanapbuhay para lamang sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas?
Nakakapanlumong isipin na tayong mga OFW din ang pumapatay sa ating mga pangarap.
HIndi kailanman mababago ang sistemang pinaiiral natin dito sa Gitnang Silangan.
Pero sana man lang, maiahon pa natin ang ating dignidad bilang Pilipinong manggagawa.