Biling baligtad sa kama, balisa na naman ako.
Kahit takpan ko ng unan ang mukha ko hanggang di makahinga, wala… talagang di maalis sa isipan ko ang pag-alis mo.
Ang tanga-tanga ko, yan ang naiisip ko tuwing maaalala ko na minahal kita.
Pero mas tanga ako kapag di naman ako nagmahal sa isang katulad mo.
Naging katuwang kita ng higit sa isang taon.
Nagpapasalamat nga ako dahil kahit hindi ka ganun ka sweet, kahit wala kang lambing at kahit manhid kang buwisit ka; ibinalik mo sa akin ang pagmamahal na akala ko ay di mo mararamdaman.
“Asan ka?” tanong mo sa akin kagabi matapos kong sagutin ang tawag mo.
Di ko namalayan naka-dalawang miss calls ka na.
“Andito sa trabaho… bakit ba?” pagtataka kong tanong sa biglaan mong pagtawag.
“Ililipat na ako ng lugar, na promote ako.”
“Sige…”, tanging nasabi ko.
“Magkita na lang tayo mamaya sa bahay…” habol ko.
“Teka, kelan ka lilipat?” sundot ko pa.
“Bukas!”, pasigaw mong tugon.
Patay ang pasko ko.
Mabigat sa loob kong tinapos ang araw at pag uwi ko, kama mo at ang mga kalat mo ang una kong nakita.
Alam ko sa sarili ko na mami-miss ko ang mga yun.
Ang laptop mo na walang patayan, tugtog mo na hindi ko ma-appreciate minsan; ang mga buhok mo na nagkalat sa sahig at ikaw kapag katabi kita sa pagtulog habang nakapasak ang headset sa mga tenga mo.
Mahirap pero bakit ko naman pipigilan promotion mo di ba?
Masakit pero sapat na sa akin na minahal mo ako di ba?
Malungkot pero kailangan din naman nating maghiwalay pero di naman natin kailangang maglimutan di ba?
Wala na akong katabi sa pagtulog, kaaway sa pagkain at kasama sa paglalaba.
Kumain ako ng hapunan at inintay ka na lang sa pagdating mo.
“Hello, asan ka na?” tanong ko ng tinawagan kita ng gabing yun. Pasado alas-dose na ng hatinggabi.
“Pauwi na.”
Hinanda ko na ang kakainin mo at hinanda ko na rin ang sarili ko.
Ayaw ko umiyak pero ayaw ko rin masaktan pero gusto kong magmahal.
Pagdating mo ay pinag-usapan natin ang lahat.
Nangako tayo na hindi natin kalilimutan ang isa’t isa.
Nangako ka na tutuunan mo pa rin ako ng pansin at dadalawin kapag may oras ka.
Natulog tayo na ramdam ang pagmamahal sa isa’t isa.
Pero ikaw lang yata ang natulog.
Ako, ayun, biling baligtad pa rin sa kama.
Iniisip na isang gabing maalimpungatan ako ay wala ka na sa aking tabi.
Masakit.
Pero para sa iyo din naman yun.
Mahirap.
Di sana ganun.