“Bakit kasi ang layo mo?”
Tinanong mo na naman ako ng isang tanong na alam mo naman ang sagot.
“Kailangan ko lumayo para sa pamilya ko, ilang ulit na nating pinagtalunan ito ah?” nairita ko ng tugon sa iyo.
“Kasi naman…”
Pinutol ko na ang sasabihin mo.
“Kasi ano na naman, sasabihin mo na nag iisa ka na naman diyan?”
“Sana andito ka na lang…” pabulong mo na lang na nasabi.
“Ano ka ba? Kararating ko lang dito sa Saudi dadramahan mo pa ako?” naiinis ko ng tanong sa iyo.
“Umalis ka na hindi ka nag-paalam sa akin eh.” malambing mo na sinabi na ikinapanibago ko.
Nagbaba na ako ng tono ng tumugon ako sa iyo.
“Bhe naman, alam mo namang mahirap na aalis ako tapos magpaalam sa iyo kasi nga ilang buwan nating pinagtalunan ito at ayaw mo ako paalisin.” dahilan ko sa iyo.
“Paano naman, di ko masabi sa iyo ang dahilan…” tanging tugon mo.
“Kaya nga, ang tagal nating nagtatalo. Mahal kita, alam mo yan na kahit ano ang gawin natin sa buhay natin, ikaw ang huling tao na mamahalin ko.” assurance ko sa iyo.
“Bhe…” pahikbing sabi mo.
“Ano na naman, wag mo akong iyakan at hindi ako puwedeng umiyak dito, nasa trabaho ako. Mahal na overseas mo…” parang kinabahan ako sa tinuran mo.
“Wala, yamo na nga, sige na mag trabaho ka na…”
“Sige na, sabihin mo na ano ba yung gusto mong sabihin…”
“Wag kang magagalit ha…”
Kinabahan ako ng sinabi mo yun. Tuwing sinasabi mo sa akin na wag akong magagalit alam ko na may ginawa ka na naman na ikakasama ng loob ko.
“Ano ba yun?” pakaba kong tanong.
Nang bigla ay may naulinigan ako na tinig ng isang babae.
“Sino kasama mo, babae yan hano?” pagalit kong sinabi na di ko naman maisigaw.
“O ano naman ngayon?” tugon mo.
“Sino na naman ang babae mo?”
“Hindi ko siya karelasyon ano ka ba, ikaw lang ang mahal ko?”
Madami pa akong sinabi ngunit pinutol mo na iyon ng magtaas ka ng boses.
“Puwede ba wag mong pairalin ang selos mo, babae nga yun, nurse dito sa ospital!” pagalit mong sabi.
“Ospital?” kinabahan ako ng marinig ko iyon.
Bigla sa kabilang linya ay narinig ko na lamang na umiiyak ka.
“Nasa ospital ka? Bakit? Ano nangyari?” sunud-sunod kong tanong.
Matagal kang nanahimik.
“Ano ba, bakit nasa ospital ka? Asan sina tatay?” nangingilid ang luha ko na nagtanong.
Sa wakas ay nagsalita ka na rin.
“Andito sila tatay, lumabas lang kasi bumili ng pagkain nila.”
“Ano ba nangyari, naiiyak na ako…”
“Ayaw kitang paalisin kasi gusto ko nandito ka sa tabi ko, na diagnose na may cancer ako sa colon kaya sumasakit ang tiyan ko madalas…”
“Cancer?” tanging nasambit ko.
“Oo, akala ko ulcer dahil madalas ako uminom nun di ba?”
Naiyak na lang ako sa isang sulok ng stock room na kinalalagyan ko.
“Bakit di mo sinabi agad…” tanong ko sa iyo.
“Pinilit kong ipaalam sa iyo pero nag-aaway tayo tuwing sasabihin ko na dito ka na lang.”
“Bakit di mo sinabi sa akin ang totoo?”
“Natatakot ako na sirain ang mga pangarap mo… dahil mahal kita.”
Tuluyan na akong napahagulgol.
“Huwag ka ng umiyak… mas mainam na ito ng di mo makita ang pag-alis ko.” sabi mo sa akin.
“Bakit di mo sinabi agad, sana di na ako umalis?”
“Alam kong mahalaga ang pamilya mo, at sorry ha, kasi yung pera na nasa account natin nagamit ko na, basta tandaan mo, mahal kita…”
“Sana nandiyan ako para alagaan kita?” patuloy akong umiiyak habang pinakikinggan ko ang mga sinasabi mo.
“Basta, mahal kita… tandaan mo iyan. I love you.”
“Mahal din kita pero sana nandiyan ako sa tabi mo para alagaan ka.”
Isang oras na ang nakalipas ng tapusin natin ang usapan natin pero nananatili akong tulala na di malaman ang gagawin.
Malayo tayo sa isa’t isa at posibleng umuwi ako na di na kita makikita.
Ewan ko. Sana, mayakap pa kita kahit sa huling sandali.
Tuliro
August 18, 2007 by wickedcurse
ka2iyak naman